False claims about welfare aid to foreigners spread misinformation in Japan

Mabilis na kumalat sa social media simula noong Marso ang mga maling post na nagsasabing isa sa bawat tatlong pamilyang tumatanggap ng tulong panlipunan sa Japan ay binubuo ng mga dayuhan. Lalo pang lumaganap ang disimpormasyon sa pagsisimula ng kampanya para sa halalan sa Upper House noong Hulyo, kung saan naging sentro ng talakayan ang mga patakaran patungkol sa mga banyaga.
Ngunit ayon sa datos ng Ministry of Health, Labor and Welfare, 2.9% lamang ng kabuuang bilang ng mga pamilyang tumatanggap ng tulong ang may pinunong dayuhan. Noong 2023, ang average na bilang ng mga pamilyang tumanggap ng tulong kada buwan ay 1,650,478, kung saan 47,317 ang pinamumunuan ng hindi Japanese.
Nag-ugat ang maling pagkakaunawa sa paghahalo ng magkaibang datos: ikinumpara ng mga user sa social media ang average na buwanang bilang ng benepisyaryo sa kabuuang taunang bilang ng mga dayuhang nakatanggap ng tulong (halos 560,000), kaya lumabas na mali ang porsyento—na tila 30% ng mga tumatanggap ng tulong ay dayuhan.
Ang tsart na naging basehan ng maling interpretasyon ay inilathala ng website nippon.com noong Marso. Dahil walang paliwanag na ang bilang ay taunang kabuuan, maraming netizen ang nagkamali ng pagbasa. Nang mapansin ito ng mga mambabasa, inayos ng editorial team ang impormasyon noong Abril. Gayunman, patuloy pa ring naibabahagi ang luma at maling datos. Noong Hulyo 9, tuluyang binura ng nippon.com ang orihinal na artikulo at naglabas ng bagong bersyon na nilinaw na 2.9% lamang ng mga benepisyaryo ng tulong sa Japan ang dayuhan.
Source: Mainichi Shimbun
