Filipina rescued from captivity arrested over alleged illegal bank card purchase
Inaresto ng pulisya sa Aichi Prefecture ang isang 23-anyos na Pilipina dahil sa hinalang paglabag sa Act on Prevention of Transfer of Criminal Proceeds matapos umanong tumanggap ng bank card na nakapangalan sa ibang tao.
Ang suspek, na kinilalang si Irish Ann Razo Malari, ay nagtatrabaho bilang part-time worker at kamakailan lamang na-rescue sa lungsod ng Higashimatsuyama, Saitama Prefecture, matapos maituring na biktima sa kaso ng kidnapping at illegal detention na kinasasangkutan ng tatlong suspek na naaresto na ng mga awtoridad.
Ayon sa imbestigasyon, tinanggap umano niya ang card kapalit ng 100,000 yen sa pagitan ng Pebrero at Marso ngayong taon, sa isang rotary malapit sa istasyon ng tren sa lungsod ng Komaki, Aichi. Pinaniniwalaan ng pulisya na maaaring may alitang pinansyal sa pagitan ng suspek at isang criminal group.
Sa isinagawang pagtatanong, itinanggi ng Pilipina ang direktang pagkakasangkot sa pagtanggap ng card at sinabing “hindi siya ang tumanggap ng item.”
Source / Larawan: Kyodo
