Isang firefighter na nagtatrabaho sa American military base na Camp Zama sa Kanagawa Prefecture ang inaresto dahil sa hinalang paulit-ulit na paglalagay ng kemikal sa pagkain ng kanyang katrabaho.
Kinilala ang suspek na si Riichiro Ikoma, 34 taong gulang. Ayon sa pulisya, hinala nilang hinaluan niya ng ethylene glycol — isang kemikal na ginagamit sa engine coolant ng sasakyan — ang miso soup at iba pang pagkain ng isang 60-anyos na katrabaho sa pagitan ng Abril 1 at 12.
Ayon sa Japanese Ministry of Health, ang ethylene glycol ay walang kulay at walang amoy ngunit maaaring magdulot ng matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, diarrhea, at pagkawala ng malay kapag nalunok.
Lumapit sa pulisya ang biktima matapos makaranas ng paulit-ulit na pananakit ng katawan at kakaibang pakiramdam. Ayon sa kanya, halos dalawang taon na niyang napapansin ang kakaibang lasa ng kanyang miso soup.
Natuklasan din sa imbestigasyon na sa mga araw na may kakaibang lasa ang pagkain, palaging naka-duty ang suspek sa lugar.
Sa interogasyon, pinili ni Ikoma na manahimik. Sinabi rin ng pulisya na matagal nang may alitan sa trabaho sa pagitan ng dalawang empleyado.