Beauty

Kahalagahan ng Pag Mumog ng Tubig na may Asin

Bago pa man maimbento ang toothpaste na ginagamit sa pagsesepilyo ng ngipin, ang mga sinaunang tao ay may iba’t ibang paraan na ng paglilinis ng kanilang bibig.

 

Marahil ang pinakasikat sa mga ito ay ang paggamit ng asin bilang pangmumog dahil magpasahanggang ngayon, ginagamit pa rin ito sa paglilinis ng ngipin. Sa katunayan, ito ay inirerekomenda din ng mga dentista bilang alternatibong panlinis ng ngipin kung walang sepilyo at toothpaste ‘pagkat may mabubuting epekto itong maidudulot sa kalusugan ng bibig.

1. Pagpigil  sa pagdami ng mikrobyo sa bibig

Ang bibig ay makikitaan ng napakaraming uri ng bacteria at mga mikrobyo. Ang mga ito ay nakasiksik sa pagitan ng mga ngipin, dila at mga kasuluk-sulukan ng bibig. Kung hindi lilinisin ang bibig, maaaring dumami ang mga ito at magdulot ng ilang masasamang epekto sa bibig gaya ng pagkasira ng ngipin, pagbaho ng hininga, at pagkakaroon ng ilang mga karamdaman. Ang pagmumumog ng tubig na may asin ay mabisang paraan para makontrol ang pagdami ng mga mikrobyong ito sa pamamagitan ng pagpapataas sa pH level ng bibig.

2. Pag-iwas sa ilang uri ng sakit

Dahil nga nagagawang mapigilan ng pagmumumog ng tubig na may asin ang pagdami ng mikrobyo sa bibig, nagagawa din nitong maiwasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng impeksyon na makapagdudulot ng karamdaman sa lalamunan at bibig gaya na lang ng tonsilitis, sore throat, at maging sipon.

3. Pagpapabilis ng paghilom ng sugat sa bibig

Tumutulong sa mas mabilis na paghilom ng sugat sa bibig ang pagmumumog ng tubig na may asin dahil sa pagiging isotonic solution nito. Ibig sabihin, hindi ito nalalayo sa konsentrasyon ng mga mineral na nasa loob ng katawan. Ito rin ang dahilan kung bakit nirerekomenda ng mga dentista ang pagmumumog nito pagkatapos magsagawa ng pagbubunot ng ngipin.

4. Paglilinis sa mga nakasiksik na pagkain sa pagitan ng ngipin

Ang simpleng pagmumumog ng tubig na may asin ay mabisang paraan para maalis ang mga nakasiksik na pagkain sa pagitan ng mga ngipin.

 

Source: KalusuganPH

To Top