General

Mga Dapat Tandaan Kapag May Sipon

Ang sipon ang isa sa mga pinakakaraniwang sakit na nararanasan ng kahit na sino sa atin. Kaakibat ng sakit na ito ang iba’t ibang sintomas gaya ng pagbabara ng ilong, tuloy-tuloy na pagtulo ng sipon, pananakit ng iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng ulo, lalamunan, at mga kalamanan. May iba’t ibang dahilan kung bakit nagkakasipon ang tao, ngunit ang pinakakaraniwan sa lahat ay dulot ng impeksyon ng cold virus.

 

Upang matulungang mapabilis ang pagginhawa ng pakiramdam, narito ang ilang simpleng tips na maaaring sundin:

1. Huwag balewalain ang sipon

Bagaman ang sipon ay pangkaraniwang sakit at kadalasan ay kusa namang gumagaling, hindi ibig sabihin nito ay maaari nang pabayaan na lamang ang sakit. Kinakailangan pa ring alagaan ang sarili, iwasan ang mga bawal, at patuloy na palakasin ang resistensya.

2. Umiwas sa stress

Isa sa mga nagpapahina ng resistensya ng katawan ay ang stress na nararanasan. At kung makaapekto nga ang stress sa immune system ng katawan, maaaring magtagal nang husto sipon na nararanasan.

3. Uminom ng maraming tubig

Ang pag-inom ng maraming tubig ay mahalagang hakbang para mapabilis ang paghupa ng sipon. Sa tulong kasi nito, mas maayos at mas napapabilis ang pag-agos ng sipon sa ilong, at ang resulta, naiiwasan ang pagbabara sa ilong.

4. Huwag uminom ng alak

Kabaligtaran ng pag0inom ng maraming tubig, ang pag-inom naman ng alak ay may masamang epektong nakaka-dehydrate sa katawan. Ang epektong dehydration ay dulot ng alkohol na sangkap ng mga inuming alak.

5. Huwag manigarilyo

Ang paninigarilyo ay nakakapagpalala ng sakit at nagpapahina din ng resistensya ng katawan. Ang usok na hinihithit mula sa sigarilyo ay maaaring makairita at makapinsala sa mga cells at tissue sa daluyan ng paghinga papasok sa baga.

6. Matulog nang sapat

Ang sapat na pahinga mula sa mahabang oras ng tulog ay mahalagang paraan para mapanumbalik ang lakas na nawawala sa pagkakaroon ng sakit. Mas tumataas ang posibilidad ng paglala at pagtagal ng pagkakasakit kung matutulong nang mas maikli sa 7 oras lamang.

 

 

Source: KalusuganPH

 

 

To Top