Ang pananakit ng sikmura ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring senyales o sintomas ng abnormalidad o karamdaman na nararanasan sa isang bahagi na nasa loob nito. Alalahanin na nakapaloob sa sikmura o abdomen ang iba’t ibang mahahalagang lamang-loob o organ gaya ng atay, tiyan, apdo, bituka, bato, lapay, at iba pa. Ang sumusunod ay ilan lamang sa napakaraming kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit ng simura:
1. Impatso
Ang impatso o indigestion ay kadalasang nararanasan kapag mabagal ang proseso ng tiyan sa pagtunaw sa kinain. Kapag masyadong maraming kinain, hindi nanguyang mabuti ang kinain, o kaya masyadong mabilis ang pagkain, maaaring maranasan ang impatso.
2. Kabag
Ang kabag naman ay ang kondisyon kung saan nagkakaroon ng hangin sa tiyan. Makakaramdam ng pananakit sa sikmura hanggat hindi makawala ang hangin na nakapasok sa loob. Ito ay kadalasang dulot ng madalas na pag-inom ng carbonated drinks, pagkakalunok ng hangin dahil sa pagsasalita habang kumakain, o kaya sa mga uri ng pagkaing kinain.
3. Ulser sa sikmura
Ang pagkakaroon ng peptic ulcer o sugat sa mga pader ng daluyan ng pagkain ay nagsisimula sa pagkakaroon ng maliit sugat dahil sa mga asidong nasa loob ng tiyan.Kapag ang maliit na sugat na ito ay pinasok ng bacteria na Helicobacter pylori, maaaring lumala ang ugat at lumawak. At ang resulta ay malalang kondisyon ng ulser sa tiyan.
4. Appendicitis
Tinutukoy naman sa kondisyon na appendicitis ang implamasyon ng maliit na bahagi ng bituka na kung tawagin ay appendix. Nangyayari ang pamamaga ng appendix kapag nabarahan ito ng maliit na piraso ng pagkain na dumadaloy sa bituka o kaya ay pinasok ito ng parasitiko o bacteria. Kapag ito ay naranasan, kinakailangan ang agarang operasyon.
5. Gastritis
Ang kondisyon ng gastritis ay ang impalamasyon ng lining sa loob ng tiyan. Nangyayari ito dahil pa rin sa impeksyon ng bacteria na Helicobacter pylori o kaya naman dahil sa iritasyon ng lining mula sa ininom na gamot.
6. GERD
Ang GERD of gastro esophageal reflux disease ay ang pag-agos pabalik sa esophagus ng mga laman ng tiyan. Ang bawat pag-agos pabalik ng mga kinain ay nagdudulot ng mahapding pakiramdam sa itaas na bahagi ng sikmura hanggang sa dibdib. Nangyayari ito kapag naging maluwag ang harang o sphincter sa pagitan ng tiyan at esophagus na siyang pumipigil sa pag-agos pabalik ng laman ng tiyan.
7. Gastroenteritis
Ang gastroenteritis ay tumutukoy sa impeksyon ng virus o bacteria sa loob ng tiyan. Nangyayari ito kapag nakakain ng pagkain na kontaminado ng virus o bacteria. Ang mga karaniwang sanhi ng gastroenteritis ay ang mga virus na rotavirus at norovirus, habang ang mga bacteria naman na nagdudulot nito ay Salmonella at E. coli.
8. Pagkakalason mula sa kinain
Ang pagkain na kontaminado ng mga nakakalasong substansya o kemikal ay makapagdudulot din ng matinding pananakit ng tiyan. Nangyayari ito kapag hindi maayos ang preparasyon na isinagawa sa pagkain.
9. Impeksyon ng parasitiko
Maraming uri ng parasitiko ang maaring manirahan sa loob ng tiyan. Nandiyan ang mga bulate gaya ng Tapeworm, Roundworm, Whipworm at Pinworm, pati na ang maliliit na organismo gaya ng amoeba at mga flagellates.
10. Pagtitibi o constipation
Ang hindi maayos na paglabas ng dumi ay makapagdudulot din ng pananakit ng tiyan. Maaaring dulot ito ng kakulangan ng iniinom na tubig, o kaya ay kakulangan ng fiber sa kinakain.
11. Pagtatae o diarrhea
Kabaligtaran ng pagtitibi, ang diarrhea naman ay ang matubig na pagtatae. Ang pagtatae ay kadalasang dulot ng nakaing pagkain na hindi katanggap-tanggap sa katawan. Dahil dito, maaaring manakit ang tiyan at saka bumulwak ito sa paglabas.
12. Iba pang kondisyon sa mga organ sa sikmura
Dahil nga maraming organ na nakapaloob sa ating sikmura, ang anumang abnormalidad sa mga bahaging ito ay maaaring magsanhi ng pananakit. Ang iba pang kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit sa sikmura ay ang sakit sa atay (fatty liver disease, cirrhosis), pagkakaroon ng bato sa apdo (gallstones), bato sa bato (kidney stones), kondisyon sa lapay (pancreatitis), at marami pang iba.
Source: DOH, KalusuganPH