General

Paano Maiiwasan ang Obesity

Ang pagsobra ng timbang o obesity ay isang mahalagang isyung pangkalusugan na kinakaharap ng marami, hindi lamang sa bansa, kundi pati na rin sa buong mundo. Ito ay dulot ng kombinasyon ng kawalan ng kontrol sa pagkain at ng hindi masyadong pagkilos buhat ng pag-abante ng teknolohiya. Ang pagiging obese ay kadikit ng pagkakaroon ng ilang mga karamdaman at mga kondisyong pangkalusugan gaya ng sakit sa puso, diabetes, stroke, at marami pang iba. Sa madaling salita, hindi ito makabubuti sa kalusugan.

Kaugnay ng mga nabanggit na implikasyon ng pagiging sobrang bigat o obese, narito naman ang ilang mga tips o hakbang na maaaring sundin upang maiwasan na humantong sa ganitong kondisyon.

1. Ugaliin ang regular na pag-eehersisyo

Ang pinakmahusay na paraan para maiwasan ang sobrang timbang ay ang regular na pag-eehersisyon. Sa pamamagitan nito, masusunog ang mga naimbak na calories na hindi naman nagamit ng katawan. Dapat tandaan na ang mga naiipong calories ang siyang nagiging bilbil at taba sa katawan. Bigyan ng kahit 1 oras ang sarili para mag-ehersisyo sa isang araw, at mabuting gawin ito ng 5 hanggang 6 na beses sa isang linggo.

2. Kumain ng balanse at masusustansya

Ang pagkakaroon ng balanseng pagkain sa araw-raw ay malaking kabawasan sa sobrang timbang. Kung malalaman mismo ang tamang dami na dapat lamang ikonsumo sa isang araw, malayong magkaroon ng mga sobrang calories na maiimbak sa katawan. Siyempre pa, malaking tulong din ang pagkain ng masusustansyang prutas at gulay upang madagdagan ang mga bitamina at mineral na kailangan ng katawan.

3. Umiwas sa mga pagkaing maaaring makasira ng timbang

Ang tukso ng mga junkfood gaya ng mga sitsirya, softdrinks at iba pang pagkaing madalas papakin ay mahirap maiwasan, lalo pa’t ang mga ito ay madaling makakain sapagkat ang mga ito ay kadalasang nakahanda na o instant food. Sa kasamaang palad, ang mga ito ay may kakaunting sustansya lamang, ngunit maaaring may taglay na mga matataas na lebel ng calories na hindi rin naman kinakailangan ng katawan. Bukod pa rito, maaaring may taglay din ang mga pagkaing ito na sobrang cholesterol, sodium, at iba pang sangkap na maaaring may implikasyon sa kalusugan.

4. Bantayang mabuti ang timbang

Mahalaga na palaging mababantayan nang mabuti timbang. Sa pamamagitan nito, malalaman kung kailan dapat dagdagan o dapat bawasan ang damit ng pagkain na kakainin. Mahalaga na bigyan ang sarili ng mga “target na timbang” na kailangang abutin sa loob ng ilang linggo o buwan.

5. Magkaroon ng aktibong pamumuhay

Hindi makatutulong ang pag-upo lamang nang maraming oras sa harap ng telebisyon at manonood lang buong maghapon, o kung nasa trabaho naman, buong araw nakababad sa harap ng computer at nagtatrabaho. Kinakailangan ang pagkakaroon ng aktibong pamumuhay lalo na kung wala namang oras para makapag-ehersisyo. Bigyan ang sarili ng oras para tumakbo o maglakad sa labas kasama ang alagang aso, magpakaaktibo sa mga sports gaya ng paglalaro ng basketball o kaya badminton, o ‘di kaya’y maglibang sa pag-akyat sa mga bundok.

 

Source: KalusuganPH

To Top