Sa dami ng tao na nakatira sa Japan, palaging may pangangailangan sa bahay na maaaring tuluyan. Dahil dito, maraming matataas na gusali ang ipinapagawa para matumbasan din ang dami ng tao. Sa kasalukuyan, dumadami ang mga Hapon na pinipiling tumira malayo sa lungsod, ngunit katumbas nito ang mas mahirap at mas malayong byahe papunta sa kanilang trabaho.
Ang isang tipikal na apartment sa Japan ay maaaring isang kwarto lamang, ngunit maraming pwedeng paggamitan. Depende sa ilalagay na gamit, pwede siyang maging tulugan sa gabi o sala sa umaga, at marami pang iba. Madalas ring walang laman ang apartment sa umpisa at ang mga normal na kasangkapan sa bahay ay maaaring wala rin. Simple lang ang itsura ng apartment sa Japan – kung ano lang ang kailangan at importante, yun lang madalas na makikita sa loob.
Ang presyo ng upa ay nakadepende sa laki ng kwarto na uupahan. Maraming dayuhang nahihirapan sa ganitong sistema dahil nakasanayan nilang malaki at maraming gamit sa bahay, pero kung hindi naman problema ang pera na magagastos, meron ding mga tirahan na malalaki at kumpleto na sa kasangkapan. Dito naninirahan ang mga taong may kakayahang magbayad ng malaki at walang problema sa layo ng byahe papunta sa lungsod.
Depende sa haba ng panunuluyan, maraming iba-ibang klase ng pabahay sa Japan. May mga tirahan para sa mga turista, sa mga estudyante, at siyempre, sa mga permanenteng titira sa bansa.
Kapag nakahanap na ng lugar na uupahan, importanteng magpagawa ng inkan o hanko, isang selyo kung saan nakasulat ang iyong apelyido sa letrang Hapon, para tuluyan nang maging pormal ang pag-upa. Maaari itong abutin ng 1000 yen depende sa disenyo ng selyo, at pwede itong maipagawa sa mga estasyon ng tren o sa Internet. Ito lamang ang maaaring gamitin na patunay sa pangungupa dahil hindi tinatanggap na legal sa Japan ang simpleng pirma lang.
Inaasahan ng may-ari ng uupahang lugar na ang kalinisan at kaayusan ng tirahan ay mapanatili. Kadalasan din, bago tuluyang maka-upa sa isang bahay, maraming bayarin ang kailangan munang makumpleto. Bayad sa security deposit, sa ahente, sa tagapangalaga ng uupahan, at iba pa. Nakakapagod man ito sa umpisa, madali naman ang pagbayad sa kuryente, tubig at iba pa. Pwede kang pumili kung gusto mong bayaran ng personal ang mga ito sa mga piling lugar o ipabawas nalang sa bank account mo kada buwan.
Ngunit sa lahat ng nangyari sa Japan nitong mga nakaraang taon, nababawasan ang dami ng mga tirahan na pinapaayos kada buwan. Talagang kailangan lang ng tiyaga sa paghahanap at kakayahang mag-adjust sa kahit anong sitwasyon. Maaari ka ring lumapit sa mga opisina ng gobyerno para humingi ng tulong kung talagang nahihirapan kang makahanap ng matutuluyan. Maaari ka nilang irekomenda sa mga koudan juutaku o danchi. Ito ay kabilang sa Japanese public housing system.
You must be logged in to post a comment.